15.3.08

1st I-Wit Docufest: Better Luck Next Time!

Biyaheng EDSA ni Howie Severino ang di ko malilimutan at paborito kong dokyu ng I-Witness, taong 2006, ika-dalawampung anibersaryo ng People Power I. Ang dokyung ito ay madaming nadaanang paksa pampulitika at pangakasaysayan na nakapagbukas ng akin at sa marami pa, lalo na sa mga hindi na umabot sa panahon ng makasaysayang EDSA People Power.
Di pa ako pinapanganak sa People Power I at bata pa naman ako ng mangyari ang People Power II at III. Pero dahil sa dokyumentaryong ito napanuod ko ang mga lumang footage ng makasaysayang pangyayari sa Pilipinas at narining ko ang mga kwentong-nakulong sa Camp Crame.
Ang Epifanio de los Santos Avenue o EDSA, na highway 54 noon, ay isa sa mga pinakamahaba at pinakaabalang kalye sa buong bansa. Ito na rin marahil ang pinakamausok at may pinakamakupad na daloy ng trapiko sa mga kalye ng Pilipinas na malinaw na naglalarawan sa estado ng ating bansa. Ngunit dahil din dito, sa kalyeng ito naging tanyag ang lahing Pilipino sa buong mundo dahil sa ating pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa noong People Power Revolution. Nasa kalye ng EDSA din naman ngayon ang nagkakaisang mga Pilipino na nakatira sa sqautter at sa exclusive subdivisions.
Bilang isang probinsyana bihira lang akong makalumuwas ng Maynila. Marahil ay nagiisa lang ako na nage-enjoy kapag mabagal ang usad ng trapiko sa EDSA. Sinasamantala kong obserbahan ang mga dinaanan ni Howie Severino sa kaniyang dokumentaryo. Ang Forbes Park at Corinthian Garden na mga pangmayaman, tulay ng Guadalupe na may makukulay na bahay, Camp Crame kung saan nakulong ang dose-dosenang Pilipino, EDSA Shrine na nagpapaalala ng People Power, gusali ng GMA, ang Cubao, atbp. Kakaiba at kakat’wang pagmasdan din ang mga taong nagmamadali at may kaniya-kaniyang pupuntahan, mga naglalakihang billboard, mga bus na nagbubuga ng maitim na usok at ang mga bago at nagtataasang gusali at mga mall. Masayang maging bano paminsan-minsan.
Simula ng napanuod ko ang Biyaheng EDSA napadagdag sa aking mga pangarap na magawa ang paglalakad ng I-Witness sa kahabaan ng EDSA. Pero dahil totoo nga ang sinabi ni Howie Severino na "ang EDSA [ay] di masyado walkable" mas mainam siguro na lakbayin ito sakay ng MRT, view from the top na, aircon pa!
Sa pagdaan ng dalawang taon mula noong February 2006 hanggang ngayong narakaang February 2008 napansin kong malaki na ang kinupas ng kulay ng dating matingkad na barangay sa tabi ng Ilog Pasig, ang Concepcion GK Village. Tulad ng pangyayari sa mga nagdaang People Power kumupas na rin ito sa mga isipan ng maraming Pilipino. Pero nanatiling buhay sa mga pahina ng mga pangkasaysayang libro at sa mga taong nasugatan ng pangyayari.
Nagkaisa ang mga Pilipino noon, pero bakit nga ba hindi ata na naman ngayon? Nahahati tayong muli sa pro at anti sa gobyerno. Nagkaroon na naman ng iba’t-ibang rally at magkabilaang protesta laban sa mga pinuno nitong nakaraang buwan kagaya rin ng nangyari noong Ferbruary 2006 sa dokyu ni Howie Severino.
Nabanggit ni Jose Rizal, "In order to fortell the future of one’s nation, one must consult on its past." Si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan sa Balintawak ang bida sa rebolusyon noong 1896. Ang dalawang milyong mga Pilipino naman na nagmistula ngang mga "langgam" ang bida sa mapayapang rebolusyon sa Ortigas laban sa diktador noong 1986. Maaring mahigit o kumulang isang daang taon na naman ang lilipas at baka isang rebolusyon na naman sa kahabaan ng EDSA ang mauulit na mangyari. Sana naman ay di na ito sa EDSA o kahit saang lugar pa man sa Pilipinas. At higit sa lahat, huwag na sanang Pilipino laban sa kanyang kapwa Pilipino ang maglaban dahil sa kasakiman at kapangyarihan.
*may kasama pang mga typo. tsk.tsk.